Kailan dapat dumaan sa barangay bago mag-sampa ng kaso?

Kailan dapat dumaan sa barangay bago mag-sampa ng kaso?

by Atty. Ruben C. Talampas Jr.

Tinadyakan ka ng kalaro mo sa basketbol na dayo galing sa kabilang barangay. Ninakawan ka ng halik ng kapitbahay mo. Sinabihan ka ng kaopisina mo na pangit ka at mabaho hininga mo. Tinanggal ka sa trabaho mo. Nahulog ka sa imburnal at nasugatan dahil bukas ang manhole sa isang provincial road. Gusto mo silang sampahan ng kaso. Ang tanong mo, kailangan ko bang dumaan sa barangay bago ako magsampa ng kaso sa korte?

Maaari kasing ma dismiss o mabasura ang Complaint o kaso mo na isinampa sa korte kung hindi ka dumaan sa barangay kung ang klase ng kaso na isasampa mo ay nangangailangan na dumaan sa barangay conciliation (pagkakasundo) proceedings at kung mabigong magkasundo ay mabigyan ka ng Certificate to File Action na kailangan mong ilakip sa iyong Complaint.

Ang Korte Suprema ay nag issue ng Administrative Circular No. 14-93 noong Hulyo 15, 1993 na nag-uutos sa mga korte na tiyakin na dumaan sa Katarungang Pambarangay ang magkabilang panig bago magsampa ng kaso sa Korte sa mga kaso na nasasakop ng Barangay Justice System.

Ayon sa SC Circular No. 14-93 ang lahat ng “disputes” ay kailangang dumaan sa Barangay Conciliation o Pagkakasundo ayon sa Revised Katarungang Pambarangay Law (formerly P.D. 1508, repealed at napalitan ng Sections 399-422, Chapter VII, Title I, Book III, and Sec. 515, Title I, Book IV, R.A. 7160, o ang Local Government Code of 1991), at ang pagdaan dito ay isang kondisyon (pre-condition) bago magsampa ng complaint o kaso sa korte o sa anumang opisina ng gobyerno, MALIBAN sa mga sumusunod na “disputes” na HINDI mo na kailangan dumaan sa barangay bago mag-sampa ng kaso:

1. Kung ang isang panig ay ang gobyerno o anumang subdibisyon o instrumentality nito katulad ng Republic of the Philippines o Local Government Units (gobyernong pang probinsiya o municipal), departamento, ahensiya, at mga korporasyon na pagmamay-ari ng gobyerno;

2. Kung ang isang panig ay opisyal o kawani ng gobyerno at ang dispute ay may kaugnayan sa pagtupad ng kanyang opisyal na tungkulin;

3. Kung ang disputes ay kina papalooban ng “real properties” tulad ng lupa o paupahang apartment na matatagpuan sa magkakaibang bayan o siyudad maliban ang magkabilang panig ay magkasundo na sila ay sumailalim sa pag-aayos sa isang Lupon na kinaroronan ng isa sa mga real properties;

4. Anumang Complaint para o laban sa isang korporasyon, partnership o mga organisasyong nilikha ng batas o rehistrado sa Securities and Exchange and Communication sapagkat ang mga individual lamang o natural persons ang maaaring humarap sa isang Barangay conciliation proceedings bilang nagrereklamo o inirereklamo;

5. Disputes na kung saan ang mga sangkot ay nakatira sa mga barangay sa magkakaibang siyudad or municipalidad, maliban na lang kung ang mga nasabing barangay ay magkatabi at magkasundo ang magkabilang panig na sumailalim sa isang Lupon;

6. Paglabag sa batas o krimen na ang pinakamataas na parusa ay hihigit sa isang taong pagka-kulong o multa na hihigit sa limang libong piso (P5,000.00);

7. Mga paglabag na walang pribadong panig;

8. Disputes na nangangailangan ng kagyat na aksiyong legal upang maiwasan o matigil ang kawalan ng hustisya katulad ng mga sumusunod:
a) mga kasong criminal na kung saan ang akusado ay nasa kustodiya ng kapulisan o naka ditine;
b) Petisyon para sa “habeas corpus” ng isang taong nawalan ng legal na kustodiya sa isang tao o petisyon para sa sariling kustodiya;
c) Complaint o kaso na may kasamang “provisional remedies” tulad ng “preliminary injunction”, “attachment”, “delivery of personal property”, at “support during the pendency of the action”; at
d) Complaint o kaso na maaring mapaso o hindi maisampa sa kadahilanan ng paglipas ng takdang panahon para ito ay maisampa sa korte (statute of limitations);

9. Anumang uri ng disputes na pagpapasiyahan ng Presidente sa ngalan ng katarungan o ayon sa rekomendasyon ng Secretary of Justice;

10. Disputes na may kaugnayan o napapailalim sa Comprehensive Agragrian Reform Law (R.A. 6657);

11. Labor disputes o mga kaso na bumabangon sa relasyon ng employer at empleyado; at

12. Kaso na nagpapawalang bisa sa isang kapasiyahan base sa kompromiso na maaring isampa ng direkta sa korte.
Kung sakali namang hindi kabilang sa mga nabanggit sa itaas ang “dispute” na kinasasangkutan mo, isang mabisang paraan ang Barangay Conciliation upang kayo ay magkasundo ng kabilang panig at bumuo ng isang “Compromise Agreement”. Sa ganito mas magiging payapa ang buhay mo at ang komunidad.

Comments

No comments yet. Why don’t you start the discussion?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *